(Tula ni Vicente D. Santos)
Kung pakaisipin itong ating buhay
Ako'y nalilito at nahihirapan
Hindi ko mawari, hindi ko masakyan
Angking kahulugan at hiwagang taglay.
~
Bakit may masaya? Bakit may malungkot?
Sa mga hilahil ay nabubusabos
Bakit may mayaman at may kinakapos
Sa hirap at dusa ay nangalulugmok?
~
Bakit sa pag-ibig ay mayruong sawi?
"Oo" ng dalaga ay magkamit dili
At mayruon namang sa labi'y may ngiti
At ang sinisinta'y kapiling palagi.
~
Bakit mayruong payat? Bakit may mataba?
Gayong ang pagkain ay magkakamukha
Bakit may maliit sa balat ng lupa
At mayruong mataas na tinitingala?
~
Bakit mayruong tamad; bakit may masipag?
Sa mga gawain ay nagkukumagkag
At si Tamad nama'y ni ayaw tuminag
Gayong ang trabaho'y sa harap ay tambak?
~
May taong makaros na dila'y matabil
Likot ng katawan ay kapansin-pansin
At mayruon namang taong mahiyain
Ayaw magsalita't saksakan ng hinhin.
~
Mayruong sa utos sadyang masunurin
Walang lingon likod atas ay tutupdin
At mayruon namang mukha'y makulimlim
Sumusunod lamang may dabog may iling.
~
At sa kulay naman tayo ay dumako
Maitim, maputi, mayruon diyan tayo
Kutis na magaspang katapat ay pino
Ginagamit naman ay pare-pareho.
~
Kay masasabing "Ang Buhay nga Naman"
Patas na nilikha ay bakit ganiyan?
Ang ibig marahil ng Diyos na hirang
Tayo'y magbigayan sa ating pagkukulang.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment