*****
ISAGAP – Hermano sa Pista
San Miguel Arkanghel
Ika-7-8 ng Mayo, 2010
Nuong unang panahong walang nais mag-hermano
Kinukuha ang Apo Igue ng Lolo naming si Isidoro
Inilalagak sa bahay nila hanggang sa kapistahan nito
Sabi pa’y kapatid daw ni San Miguel ang aming Lolo.
Maraming tao sa baryo ang nakatatalos pa nuon
Pinapalisan ni Fely ang alikabok sa damit ng poon
Kung minsan daw ay iniilawan pagsapit ng hapon
Inalagaan si San Miguel sa loob ng buong taon.
Pistang maliit lamang ang idinaraos kung Mayo
Walang naligtaang kapistahan itong aming baryo
May nobena, may misa, at masaya ang awit ng tao
Dahil naipagbunyi ang kaarawan ng poong Santo.
Ang kaugaliang ito’y binuhay ng pamilya ISAGAP
Ipinakitang ang mahalaga’y kaarawan ay maganap
Kahit maliit lamang basta’t taun-taon ay natutupad
At hindi na kailangan ang magarang paghahangad.
Marami ang nakahandang ipamimigay nuong pista
At may mga kinalaman sa taong pananampalataya
Mga laruan, damit, rosaryo, gamit sa bahay at iba pa
Bawat taong sumali sa laro’y may nakamit na ala-ala.
Tuwing matatapos ang misa ay nagsisipalakpak
Ang lahat ng mga tao at tunay na nagagalak
Labis-labis ang kasiyahan sa nakitang mga gayak
Mainit man ang araw at pawis ay tumatagaktak.
Kaarawan ng pista, nagmisa si Padre Diune Pobre
Maraming nagsimba’t nagpasalamat si Isto’t ka Fely
Ipinaliwanag nila ang pagpapapista lang nang simple
Kaarawan ng Apo Igue ay ipagbunyi, ito’y importante.
Maliwanag ang langit at tahimik naman ang panahon
Matanda, bata’t may panata ay sumunod sa prusisyon
Mahal na Birhen at Santo Niño ay kasama rin duon
Kalsada’y puno ng tao, kasama rin ang may debosyon.
Ang mga tugtog ng musiko ay masayang masaya
Umiindak at sumasayaw ang maraming nagsisama
Patuloy pa rin ang paputok at ika-sampung araw na
Pagdiriwang kay San Miguel ito’y kapistahan niya.
Ang mga sugo ng ISAGAP ay ang magpipinsan
Sina Fely, Eddie, Calixto, at Laura ay naghalinhinan
At gayon din si Ricarte, siya ay bayaw rin naman
“Barialta” ni San Miguel sa prusisyon ang tangan.
Itong nakaraang pista’y tunay na masaya kahit payak
Simbahan natin at puon ay kaakit-akit ang mga gayak
Alay sa Mahal na Birhen ay napakaraming bulaklak
Maganda, makulay at ang bango’y humahalimuyak.
May kaunting pagkaing inihanda ang pamilya
Para sa musiko, kaibigan, at ilang panauhin pa
Tanghalian at hapunan ang pinagsaluhan nila
Maraming inumin, pamatid-uhaw ng nakipamista.
Ang samahang bumubuo ng pamilya ISAGAP
Ay nagtulung-tulong upang pista ay maisaganap
Ang tagumpay ng pagdiriwang ay nasa taong palad
Ang kailanga’y taguyod at ang pagyayakap-yakap.
Taos-pusong pasasalamat ang pinararating sa inyo
Gayon din sa mga nagsikilos sa simbahan at sa baryo
Hindi namin makakayang isagawa ang papistang ito
Kung hindi sa kagandahang-loob ng lahat ng tao.
Maraming Salamat Po!
ISAGAP(Isidoro Arcega Garcia Property)
Laura B. Corpuz * jollybc2@gmail.com
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
人生中最好的禮物就是屬於自己的一部份..................................................
Post a Comment