Thursday, March 20, 2008

Angkan ng Garcia

~~

Isang libo siyam na raan at siyamnapu't anim
Sabik kong dinalaw ang mga pinsan namin
Sa New Jersey at New York, may kalayuan din
Kahit sandali lamang, kami nama'y nagkapiling.
~~
Napag-usapan nami'y ang Angkan ng Garcia
Amang Doro at Impong Huli na tumandang dalaga
Calixto, Delfin at Jacinto na kapatid nila
Dalawa lang ang nag-asawa sa kanilang lima.
~~
Isidoro at Florencia ang ninuno namin
Sa San Miguel nag-ugat at duon nanggaling
Ang dalawang angkan ay lumaki't lumagiw
Sa kabukiran umasa ng ikabubuhay rin.
~~
“Amang Doro” ang tawag namin sa kay Lolo
Inang Itang naman ang tawag sa Lola ko
Siyam ang anak ng Inang Itang at Amang Doro
Sofia ang panganay, mahal na Ina ko.
~~
Jose, Isabel, at Marcos ang sumunod sa kanya
May anak na pumanaw na ang pangalan ay Marcela
At sina Lucila naman at Juan ay isinilang pa
Namatay naman si Ricardo bago isinilang si Maria.
~~
Ang magkakapatid ay nagsipagtayo ng bahay
Nagsipag-sarili ng kanilang pamumuhay
Sa isang bakuran, ito ang kanilang saysay
Ang tatlong bahay raw ay pinagdugtong ng tulay.
~~
Kung may baha raw ay ito ang daanan
At malaking tulong lalu na at umuulan
Kung may lutong pagkain, madaling magbigayan
Sayang at ang tulay ay 'di namin inabutan!
~~
Nasaktan daw ang nahulog, marahil ay malakas
Ang pasiya sa tulay ay hindi ipinagpabukas
Lahat ng tali nito ay isa-isang kinalas
Pati haliging kawayan ay pinagbabaklas.
~~
Kapatid din si Delfin na nagka-asawa
Iisang babae ang naging anak nila ni Albina
Ang batang ito ay pinangalanan ng Benita
At ligayang tunay ng kanyang Ina at Ama.
~~
Sina Calixto, Jacinto, at saka Huliana
Nagsitanda na lamang na walang asawa
At sa isang bubong ang kasama nila
Dalawang pamangkin, sina Sofia at Lucila.
~~
Ang panganay na si Sofia, masipag na Ina ko
Oliva, Felicisima, at Laura naman ang pangalan ko
Hindi natagalan ang Ama naming si Igmedio
Nuong panahon ng Japon ay pumanaw sa mundo.
~~
At sa mga lalake, ang Tata Jose ang matanda
Ang kabiyak niya'y si Patria na taga-Bisaya
Sina Norma at Jose Jr. ang naging biyaya
Tanging sila lamang, iya'y takda ng tadhana.
~~
Si Isabel nama ay tumanda ring dalaga
Katulad ng Impong Huli at ng Nana Benita
Mananahi ng damit ng mga pamangkin niya
At sa pagluluto naman ay walang kapara.
~~
Ang Tata Marcos din ay nakapag-asawa
Elena ang ngalan at buhat naman sa Tsina
Pito ang ibinunga ng pagmamahalan nila
Lahat ng isinilang ay singkit ang mga mata.
~~
Sina Gloria, Honorata, at si Eduardo pa
Sumunod sina Teresa, Amelia, Rufino, at Marita
At nang lumaki na ang kanilang pamilya
Nagpatayo ng bahay sa tabi rin nina Lola.
~~
Si Lucila nama'y ang tawag namin ay "Nanang"
Ang kabiyak ng puso ay taga-Bataan
Kahit na si Virgilio ay hindi nasilayan
Sina Calixto at Gaudelia ay malulusog naman.
~~
Si Juan ang pinakabata sa mga lalake
Si Segundina naman ang ipinagmalaki
Isidoro ang pangalan ng anak na lalake
Catalina at Alejandra ang dalawang babae.
~~
Ang bunso sa lahat ay ang Nana Iya
Maria Paz ang tunay na pangalan niya
Sila ni Felix ay nagkasupling ng dalawa
Cristina at Carol ang pangalan nila.
~~
Ang Angkan ng Garcia ay tunay na magsasaka
May mga araro at suyod, at saka kareta
May tatlong kalabaw na nakakural pa
At malaking mandala ng pagkain nila.
~~
May lusong, kamalig, at balon sa likod ng bahay
Madalas ding gamitin ang gilingan ng palay
Pati sariwang kape’t kakao ay may sariling gilingan
At gilingan ng malagkit para sa palitao at ginataan.
~~
Ang pag-aaral nuong panahon ng Kastila
Ang pumapasok sa eskwela ay bihirang bihira
Kartilla ang itinuro sa kanila ng matatanda
Iyon lamang ang natutuhan at alam ng Daka.
~~
Ang mga lalake lamang ang pinapag-aral
Pambahay raw ang babae, iyon ang dahilan
Subalit ang iba ay may natapos naman
Ipinagmalaki ang mababang paaralan.
~~
Dumating ang Amerkano at tinubos ang Pilipino
Nagtayo ng mga paaralan, tinulungan tayo
Nagsipasok na ang mga bata sa mababang grado
Kung tapos ka ng ika-anim, guro ang turing sa iyo.
~~
Nilusob ng Japon ang mahal nating bayan
Ang pag-aaral ng bata'y natigil na naman
At ang Amerkano'y muli tayong tinulungan
Nagbukas na naman ng maraming paaralan.
~~
Tandang tanda ko pa nuon na ang Tata Calixto
Pinupuntahan siya sa amin ng maraming tao
"Commonwealth of the Philippines" mga aklat na ito
At “Republic of the Philippines,” marami siya nito.
~~
Nagkaruon na naman ng muling paninimula
Pagbibigay halaga sa kapakanan ng mga bata
Ang nagtuturo na ay hindi lamang matatanda
Mga guro rin ang humuhubog na sa mga bata.
~~
Ang lahat ng bata na may sapat na gulang
Nagsipasok na sa itinayong mga paaralan
Subalit tunay na masikip ang mga silid-aralan
Ang mga tao sa baryo at nagsipag-tulungan.
~~
Kapag may kailangan ang Punong-guro ng San Miguel
Kasali ang Angkan ng Garcia, dito’y humihiling
Kung talagang makakayanan ang anumang mithiin
At sa pagtulong sa paaralan ay pinagbibigyan din.
~~
Sa ganitong kilusan ay kasama ang Garcia
Handa sa pagtulong pati sa seminarista
Sa “St. Francis de Sales” sa Lipa, pinuntahan pa sila
Pintuloy sa aming bahay, may nagkanta-misa pa.
~~
Ang Tata Cinto nama’y kapatid na namumukod
Gawa nang gawa sa bukid, nag-aararo’t nagsusuyod
Sa tuwing araw ng Linggo’s namimili ng itlog
Upang maging buro, ang iba’y nagiging balut.
~~
Ang bansag na "Daka" ay mula kay Gloria
Tawag na "Inang" at "Kaka" ay nahirapan siya
Pinagdugtong ang dalawa at ang nawika niya
"Daka" ang nilabasan, ang lahat ay sumunod na.
~~
Nuong kami’y maliliit, sa tanghali’y pinatutulog
Nakahiga sa sahig, naka-hanay hanggang sulok
Mayruong baling nang baling, labis ang likot
Ang iba nama’y naghihilik sa himbing ng tulog.
~~
Nakiusap ang Daka na ako’y huwag pilitin
Sa dahilang siya raw ang mahihirapan din
Pagsapit daw ng gabi’y hindi ako aantukin
Bago pumunta sa bukid, hirap akong gisingin.
~~
Sa bandang hapon naman matapos magpahinga
Kami'y nililibang ng Inang Abe at Nana Bita
Silay’y mahilid sa siklot, iyon ang itinuro nila
Ang Impong Huli naman ay ang larong Sungka.
~~
Sa larangan ng Sungka ay wala nang tatalo
Napakagaling ang Impong Huli sa larong ito
Ipanatag ang look kung sakali't matalo
Ang babagsakan ng sigay ay kanyang saulado.
~~
Ang Daka naman, dahil maagang nabalo
Naghangad mag-ampon, ang nakuha’y si Ricardo
At isininunod siya sa “Balatbat” na apelyido
Tunay na anak din ang turing sa batang ito.
~~
Malaki ang naitulong ni ka Mario at Tata Siano
Sa bukid, sa pampang, katiwala ang mga ito
Lalo na kung anihan, bilang na bilang ang sako
At tao’y nalilibang sa salamangka ng Tata Siano.
~~
Nuong nabubuhay pa ang aming Amang Doro
Dalawang apong lalake, sina Jose Jr. at Eduardo
Dalangin sa gabi’t araw ng aming Lola’t Lolo
Lalake ang maging anak magdadala ng apelyido.
~~
Patola, alagaw, sitao, batao at kalabasa'y makikita
Atiesa, bayabas, santol, duhat, niyog, at papaya
Pakiling, saging, balimbing, suha, kaimito at mangga
Kape, granada, bunga, kalamansi, bulak, at paminta.
~~
Sa gilid ng palaisdaa’y may mataas na tarundon
May bahay-kubo, akasya, at kamoteng-kahoy
Ito’y inilalaga, sinusuman, ginagawang almirol
Ang Nanang Lucing, laging kailangan ng katulong.
~~
Sa tabi ng ilog ay isang sulok ng palayan
May maliit na palaisdaan, tilapia ang laman
At nang matagalan na ito ay naging bangusan
Kapag hinuhuli’y lundagan nang lundagan.
~~
Ang pagkain ng tilapia ay pinung-pinong darak
Sama-samang lumalapit, pagkain ay sinasagap
Kami naman ay natutuwa’t aming pinapangarap
Makahuli ng tilapia at lutuin nang masarap.
~~
Maraming Sabado na kami’y naglulumba-lumba
Sa ilog lumalangoy at sumasakay pa sa balsa
At ang Apo Bibi naman ay laging naglalaba
Nangingisda ang Apo Delfin; nangunguha ng tulya.
~~
Malapit din sa ilog at karatig ng palaisdaan
Ay isang luwarta, ang tanim ay binhing palay
Kung minsan naman ito ay taniman ng gulay
Kamatis at mais, tubo paminsan-minsan.
~~
Akin pang natandaan ay mapulang gumamela
Amarillo’t santan, at mabangong sampagita
Sama-sama kaming nagtutuhog at nagtitinda
Lalo na kung Hunyo at panahon ng Pista.
~~
At ang bunot naman ng hinog na patola
Hinihiwa’t pinuputol, panghugas ng pinggan at tasa
Panghiwalay ng buto sa bulak at ang silyang sulihiya
Ginagawang unan ng Impong Huli at Nana Bita.
~~
At ang pamilya ng Tata Juan at parang napalayo
Malapit sa paaralan at bahay na itinayo
May tsiko, may saging, may mangga, at iba pang puno
Ang mga sanga pag namunga ay laging punung-puno.
~~
At lubos na mahigpit ang aming pamilya
Komiks, Bulaklak, at Liwayway ‘di naming mabasa
Patagu-tago pa kami at laging kakaba-kaba
Upang aming maiwasan ng mapagalitan pa.
~~
Minsan isang bakasyon, panahon ng anihan
Kaming magpipinsan ay nagkatuwaan
Nagpunta kami sa bukid upang mamulot ng palay
At aming ipinagpalit sa puto at kalamay.
~~
Kung araw ng Sabado, abala ang Tata Siano
Nakapila ang magpapagupit, mahigit pa sa walo
Maliit lang kung sumingil, tuwang tuwa ang tao
Kung hindi salapi ang bigay, ang bayad ay nasa sako.
~~
At kung sa Inang Itang ako iwanan ng Daka
Isinasama ako sa kanyang libangang pangingisda
Ihihitsa ang bingwit sa tubig o ito’y ibababa
Kapag may kumagat na isda, anong laking tuwa!
~~
Isa pa ring tag-araw dinalaw kami sa San Miguel
Buhat sa Bisaya, dumating ang mga pinsan namin
Mahusay silang dalawa as anumang sayawin
Sa ilalim ng punong mangga tinuran kami’t inaliw.
~~
May puno pa ng katigbe at aming kinukuha
Sa kabukiran ito ay napakaming bunga
Abuhin at puti ang kulay ng mga butil nila
Tinutuhog ng Daka, “rosaryo” raw niya.
~~
Dapat ding tandaan at huwag kakalimutan
Na may mga hayop tayo sa bakuran
Mga baboy, itik at manok na ating inalagaan
At ang pusa at aso ay atin ding kaibigan.
~~
Kapag Mahal na Araw ang Pasyon ay binabasa
Sa Bisita ng San Miguel ay maraming pumupunta
Ang mga himig ng pagbasa ay natutuhan ng pamilya
Napapaluhod at napapadapa ang mga “penitensya.”
~~
Kasabay kong lumaki sina Gloria at Nora
Sa pagpasok sa paaralan ay kasabay ko sila
Kung ipakulot ang buhok nila, ako rin ay kasama
Ang tingin nila sa amin ay napakaganda!
~~
Mga mangga sa bukid ay binantayan namin ni Nora
Pinasok naman ng langgam ang aking tainga
At sa labis ng sakit, ang ginawa ng Nana Iya
Nilunod ito sa tubig hanggang sa gumataw na.
~~
Ako nama’y napasama sa pangunguha ng damo
Ipinagbibili namin sa mga kutsero sa baryo
Ang bayad sa pumpong ay dalawang sentimo
Maligaya na ako kung ako’y makawalo.
~~
At si Eddie naman, pinsan kong kaibig-ibig
Iginawa ng baldi na pansalok ng tubig
Sa umaga at hapon ay makikitang umiigib
Panluto at pampaligo ng kanyang mga kapatid.
~~
Kahit na ang ka Fely ay alaga ng Inang Abe
Ang kaka naman ay palaki ng Impong Huli
Pagkaing binalot ng Daka para sa tanghali
Laging ubos, kasyang-kasya at walang nalalabi.
~~
Ang magkakapatid ay nagpakabit ng koryente
May sariling motor, bakura’y maliwanag sa gabi
Sa tindahan ng Daka ay dumami ang namimili
Nakikinig ng radyo kahit abutin ng gabi.
~~
Kaligayahan ng Inang Abe ay mga pamangkin
Natutuwa kapag dinadalaw, nagpapakuha ng kakanin
Kung minsan ay kulang ang dalawang manok na lutuin
Magpapalabas ng baraha at may pameryenda pa rin.
~~
Kaming magpipinsan sa Angkan ng Garcia
Ay masasayang lagi, lalo na at sama-sama
Maraming magluto sa bahay ng aming Lola
Ang lahat sa bakuran ay may kahati sila.
~~
Si Lucila na lamang ang natitira sa pamilya
May katandaan na at malabo pa ang mga mata
Tungkod na matibay ang hawak sa tuwina na
Huwag lamang gugulatin, pakiusap namin sana!
~~
Sa magkakapatid ay iisa na lang ang natitira
Kaya ang mga magpipinsan ay nagka-isa-isa
“ISAGAP” ay binuo alang-alang sa lahat na
Upang mapanuto ang ari-arian ng Garcia.
~~
Ito nga ay pinagtibay at napagkasunduan
Hanggang maaari ay dapat panindigan
Nagpupulong-pulong ang mga magpipinsan
Ang nasa malayo ay sang-ayon din naman.
~~
At kung iisipin ang bakas ng aming nakaraan
Nuong kami'y musmos at mura ang kaisipan
Tugma-tugmang salita kami rin ay tinuruan
Narito sila at napakagandang pakinggan!
~~
"Ang dalaga kung pangit, batiin mo'y nagagalit."
~~
"Ang dalaga kung maganda, batiin mo'y nakatawa."
~~
"Ang dalagang tumatanda, parang bigas na pinawa
Isabog mo man sa lupa, manok man ay ayaw tumuka."
~~
"Ang dalaga kapag pangit, parang bayabas na ukit
Iladlad mo man sa langit, ibon ma’y ayaw umukit."
~~
"Ang dalaga kapag maganda, parang hinog na mangga
Itago mo man sa sanga, uukitin din ng maya."
~~
Ako ay nagtanim ng kapirasong luya
Tumubo ay gabi namunga ng mangga
Nang pipitasin ko’y hinog na papaya
Bumagsak sa lupa’y magandang dalaga.”
~~
“Ito palang gugo ang bunga’y bayugo
Ibong is Tiklores balahibo’y pito
May pang araw-araw, may pang Linggu-Linggo
Bukod ang pamista, iba ang pamasko.”
~~
May isa pa ring magandang awitin
Ito’y tungkol sa isang damong mahiyain
“Makahiya” ang tawag napahinhing sambitin
Saulado ng Inang Abe, Nana Bita’t Nanang Lucing.”
~~
“Sa gilid ng mga landas patungo sa kabukiran
Ay mayruong mga tanim damong “Makahiya” ang ngalan
Mga daho’y makikitid, tumitikom kung hawakan
Katulad ng isang dilag, mahiyain kung matingnan.”
~~
Ang mga pangalan ng mga nangamatay na
Binubuhay, ginagamit sa bagong silang sa pamilya
Unang-una ay Calixto, Isidoro and pangalawa
At ang kasunod ay Ricardo, Macos at Huliana.
~~
Marahil nama’y hindi na kayo magtataka
Kung bakit ako’y mayruong hiling sa tuwi na
Lahat ng sabihin ninyo ay nakatitik na
Ang mga karanasan ng Angkan ng Garcia.
~~
Ito ang mahal naming Angkan ng Garcia
Kahit maraming tumandang dalaga
At nangag-sitandang mga binata pa
Ipinagmamalaki’t karangalan pa rin nila.
~~
Salamat po, Diyos ko, at sa lahat ng mga tulong
Nina kaka, ka Fely, Eddie, at saka Pinong
Nanang Lucing, Nana Nena, Lette, at Nelson
Bumalik ang lumipas at masasaya naming kahapon.
~~
Laura Garcia Balatbat-Corpuz

Ika-18 ng Marso 2004; Ika-25 ng Octubre, 2006
laurabc@bumail.bradley.edu/jollybc2@gmail.com

No comments: