Wednesday, March 19, 2008

Mga Aral Buhat sa Pasyong Mahal ng Ating Panginoong Hesukristo

Ilang Bahagi na Aral ng Pasion

Adan ang iyong asawa
Mamahalin mo tuwi na
At katawan mo rin siya
Sundin mo anumang ola
Tungkol sa gawang maganda.

At ikaw naman babae
Sisintahin mong parati
Si Adan na iyong kasi
Susundin mo araw at gabi
Tungkol sa gawang mabuti.

Nguni't ang palaaway
Punog kinapopootan
Mapagtalo gabi't araw
Tuloy ikinapaparam
Grasyang kamahalmahalan.

Ang wika ay iisa pa
Ng iyong ama at ina
Ang tugon mo'y sanlibo na
Paglaban mo ring talaga
At pagsuway sa kanila.

Sukat mong ikabalisa
At gunitain tuwina
Hirap sakit na lahat na
Pawang tiniis at binata
Ng iyong ama at ina.

Ang tao hanggang mayaman
Marami ang kaibigan
Kung mahirap na ang buhay
Masalubong man sa daan
"di batii't titigan.

Kahit ma't tadtarin mo
Ang laman mo't sampung buto
Sampung tanang balahibo
'di pa sukat ibayad mo
Sa mga hirap sa iyo.

Kung magaling ang gawa mo
Daming pupuri sa iyo.

Ang kay Cesar ay kay Cesar
Ang sa Diyos, sa Diyos naman.

Ang palalong walang toto
Api saan man patungo
Sa hirap nananagano.

Kung gayon ang iyong tika
Tantong nagkakamali ka
Ang mababa ay maganda
Siyang ikagiginhawa
May puri at may buhay pa.

Yamang 'di natin malaman
Yaong oras kung kailan
Pagdating ng kamatayan
Ay itangis gabi't araw
Lahat nating kasalanan.

Samantalang may oras pa
Ay maglaan kang maaga
Kung gumabi't dumilim na
Ay lalong maghihirap ka
Gumawa'y ngangapa-ngapa.

ARAL NG AMA AT INA

Alamin mo anak, nang kita'y isilang
Ako at ang ama'y hirap ang puhunan
At sa kadadaing sa Poong Maykapal
Ikaw ay lumaki't ngayo'y nabubuhay.

Ito ay utang mo sa Poong Lumikha
Pangalawa lamang kaming nag-alaga
Kaya nga anak ko, ikaw'y umunawa
Sa mga habilin ng mga matanda.

Ang susog ko anak, huwag magsinungaling
Maging matapat ka sa iyong damdamin
Kung susunod ka sa aming habilin
Ikaw ma'y malayo, kami ay kapiling.

Anak na magalang, ang magpakababa
Laban sa matuwid ugaling dakila,
Kung ikaw'y dalawin ng masamang haka
Iyong maalala ang aming babala.

Ang gawang paggalang at pakikitungo
Ay siya ngang tanda ng pagka-ginoo
Pag ito'y nawala kangino mang tao
Parang isang kahoy na walang anino.

Tinipon ni Laura Balatbat-Corpuz (April 25, 2000)

No comments: